PAGLAGDA NG MEMORANDUM NG PAGKAKAUNAWAAN SA PAGTATAYO NG BANTAYOG-WIKA

Agosto 31, 2017
Bulwagan ng Pamahalaang Lokal ng Lungsod Dapitan

bantayog

Inilunsad ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at ni Senador Loren Legarda ang Bantayog-Wika, isang proyektong naglalayong isamonumento ang mga katutubong wika ng Filipinas sa pamamagitan ng mga pisikal na estrukturang sasagisag sa halaga ng mga wikang katutubo bílang baul ng yaman ng katutubong kaalaman, halagahan, gawi, tradisyon, at kasaysayan ng mga Filipino.
Mula sa pinagsamang BANTAY at MATAYOG na nangangahulugan na mataas na estrukturang itinayo para sa isang makabuluhang tao o pangyayari, ang BANTAYOG-WIKA ay pagdadambana sa isang di-materyal na pamanang pangkultura (intangible cultural heritage) ng bansa dahil sa mahalaga nitong papel sa pagbuo at pagpapatibay ng pambansang identidad. Hindi lámang ito sumasalamin sa yaman ng mga wika kundi kakikitaan din ng mga kaalamang pangkultura ng pamayanang kinapapalooban nila. Sa ganitong paraan, lalalim ang tangkilik at pagpapahalaga ng mga Filipino sa yamang nakapaloob sa kanilang katutubong wika.

Bilang pagpapasalamat at mainit na pagtanggap sa paglunsad ng gayong proyekto, ang Pamahalaang Lokal ng Lungsod Dapitan na pinangunahan ni Alkalde Rosalina G. Jalosjos  at Komisyon sa Wikang Filipino, na inirepresenta ni G. John Lerry Dungca sa pamamagitan ng Sentro ng Wika at Kultura ay nagsagawa ng paglagda ng Memorandum ng Unawaan sa Pagtatayo ng Bantayog-Wika.